Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na siyam na ang bilang ng casualties sa pananalasa ng Bagyong Maring sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na kinukumpirma na nila ang ulat sa tatlong batang nasawi sa landslide sa La Trinidad, Benguet, isa sa Cagayan at limang indibidwal sa Palawan.
Bukod dito, nakapagtala rin ang NDRRMC ng mga pagbaha sa Ilocos, Cagayan, Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera kung saan 24 kalsada ang hindi na madaanan.
Apat na landslide incident naman ang naiulat sa Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera.
Nasa 482 pasahero ang stranded sa dalawang pantalan sa Western Visayas habang suspendido na ang pasok ngayong araw sa 71-paaralan sa Ilocos, Cagayan, Mimaropa, at Cordillera.
Sa ngayon ay nasa 1,638 indibidwal na ang apektado ng Bagyong Maring at karamihan dito ay nasa mga evacuation center.