Bilang ng OFWs na may COVID-19 sa Singapore, bumaba na

21 Overseas Filipino Workers (OFWs) na lamang sa Singapore ang nananatili sa isolation hospital matapos na magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay POLO Singapore Labor Attaché Saul De Vries, 608 na OFWs doon ang kabuuang bilang ng tinamaan ng COVID-19.

Sa nasabing bilang, 587 ang mga nakarecover na at ang magandang balita ay walang naitalang namatay sa pandemya.


Dahil sa nagkaroon ng pagtaas muli ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Singapore, naka-heightened alert ngayon ang gobyerno doon dahil sa pagpasok ng India variant.

Dahil dito, balik sa 2nd phase ng paghihigpit ang Singapore kung saan ipinagbabawal ang pagkain sa mga restaurant habang limitado lang sa dalawang tao ang social gathering at hindi rin bukas sa pagpasok ng mga turista.

Umabot naman sa 6,000 hanggang 10,000 na OFWs sa Singapore ang tuluyang nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng COVID-19

Mula naman sa dating 140,000 OFWs na naipadadala sa Singapore kada taon ay bumagsak na lamang ito sa 30,000 noong nakaraang taon.

Facebook Comments