Bilateral relations ng Pilipinas at Hungary, muling pinaigting

Muling pinaigting ng Pilipinas at Hungary ang kooperasyon ng dalawang bansa sa ginanap na 7th Philippines-Hungary Political Consultations sa Budapest.

Ang pulong ay dinaluhan nina Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Bilateral Relations and ASEAN Affairs Maria Theresa Lazaro, Philippine Ambassador to Hungary Frank Cimafranca, at iba pang opisyal mula sa Embahada ng Pilipinas sa Budapest.

Dumalo naman sa panig ng Hungary sina Deputy State Secretary for Development of Eastern Relations Adam Stifter, at ibang opisyal mula sa Department of Fastest Growing Economies of the Ministry of Foreign Affairs and Trade.


Pinagtuunan ng dalawang panig ang umiiral na kasunduan hinggil sa agrikultura at teknolohiya, maging ang posibilidad na pagbuo ng labor agreement para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Hungary.

Pinasalamatan din ng Pilipinas ang Hungary sa pagbibigay ng oportunidad sa mahigit 30 Pinoy scholars kada taon para makapag-aral sa kanilang bansa sa tulong ng Stependium Hungaricum Scholarship Program.

Hinikayat naman ng Hungary ang mga Pilipino na pag-aralan ang nuclear engineering sa ilalim ng nasabing programa para magkaroon ang mga ito ng dagdag-kaalaman hinggil sa mga posibleng solusyon sa paggamit ng ibang energy sources sa Pilipinas.

Nagpalitan din ng pananaw ang dalawnag bansa sa ilang isyung pangrehiyon gaya ng sitwasyon ng seguridad sa Southeast Asia, South China Sea at Europe.

Tinalakay din sa pulong ang papalapit na 50th anniversary ng pagkakatatag sa diplomatikong relasyon ng Pilipinas at hungary sa 2023.

Facebook Comments