Cauayan City, Isabela- Nadiskubre ang tinatayang bilyong halaga ng mga pekeng sigarilyo sa ginawang pagsalakay ng mga otoridad sa isang bodega sa Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela.
Sa eksklusibong pagsama ng 98.5 iFM Cauayan sa ginawang raid ng mga otoridad kagabi sa warehouse na umabot hanggang kaninang madaling araw sa pangunguna ng BIR at ng Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ay nadiskubre ang halos dalawang daang (200) trabahador mula sa Visayas at Mindanao at apat (4) na Korean National.
Bumulaga rin sa loob ng bodega ang mga ginagamit na makina at truck na naglalaman ng mga karto-kartong pekeng yosi na nakatakda sanang ibiyahe bukod pa sa isang truck na nasabat sa checkpoint ng PNP Naguilian kahapon katuwang ang Highway Patrol Group.
Natuklasan na taong 2019 nang iparehistro bilang isang Rice Mill (Lucky J 888 Rice Mill Corp) ang nasabing bodega na pagmamay-ari ng nagngangalang Peter Hou subalit taliwas ito matapos na mabisto sa ginawang pagsalakay.
Maging ang mga residente sa lugar ay nagulantang din sa pagkakadiskubre ng mga otoridad sa inaakalang Rice Mill na pagawaan pala ng mga pekeng sigarilyo.
Ngayong araw, Mayo 29, 2020 ay itutuloy ng mga otoridad katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang masusing imbestigasyon kaugnay sa nabistong malaking pagawaan ng iba’t-ibang branded na pekeng yosi.