Cauayan City, Isabela- Agad na inaresto ng mga awtoridad ang isang binata makaraang lumabag sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocol sa harap ng banta ng COVID-19.
Kinilala ang suspek na si Clifford Lanna, 24-anyos at residente ng Barangay Pasingan, Rizal, Cagayan.
Ayon kay PLT. Jefferson Berida, hepe ng Rizal Police Station, naaktuhan ang binata sa inilaang quarantine facility partikular sa loob ng isang booth.
Gayunpaman, nang walang anumang pahintulot, binisita nito ang kanyang mga kaibigan na nagngangalang Rocky at Ronnie na kasalukuyang nasa quarantine period dahil sa pagiging LSI kung kaya’t nagawa pa ni Lanna na magdala ng dalawang bote ng alak hanggang sa magkatuwaan sa pasilidad habang umiinom.
Dagdag pa dito, katatapos lang na maisailalim sa quarantine period ang suspek bilang Locally Stranded Individuals (LSI).
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya.