Binata na Nadakip sa Pagtutulak ng Kilo-kilong Marijuana, Kinasuhan na

Cauayan City, Isabela- Sinampahan na ng kasong may kinalaman sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isang binata na naaresto sa inilatag na drug buybust operation ng mga otoridad sa Brgy. Abut, Quezon, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Rouel Mena, hepe ng PNP Quezon, kinasuhan sa pamamagitan ng inquest proceedings ang suspek na mula pa sa Brgy. Loccong, Tinglayan, Kalinga na nakilalang si Boyet Dugwawi kung saan nasamsam sa pag-iingat nito ang mahigit limang (5) kilo ng marijuana.

Base sa kanilang patuloy na imbestigasyon, napag-alaman na dati nang ginagawa ng suspek ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa mga parokyano nito.


Mayroon din aniyang supplier ang suspek na iniimbestigahan na ngayon ng mga otoridad.

Magugunitang nahuli ang suspek sa ikinasang operasyon ng pulisya matapos nitong kanselahin ang napag-usapang transaksyon sa isang poseur buyer sa Lungsod ng Ilagan na itinimbre naman ng PNP Ilagan sa PNP Quezon.

Nakumpiska mula kay Dugwawi ang tatlong (3) bricks ng dried marijuana at tatlong (3) marijuana na nakabalot sa packing tape na nakalagay sa bag.

Nakuha din sa pag-iingat nito ang P1,000 at Php24,000 na boodle money na siyang ginamit sa inilatag na operasyon at cellphone na ginagamit nito sa iligal na transaksyon.

Facebook Comments