Binata na Tinangay ng Armadong Kalalakihan, Pinaghahanap pa rin ng Otoridad

Cauayan City, Isabela- Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang kinaroroonan ng isang binata na tinangay ng tatlong (3) armadong kalalakihan na nakasuot ng maskara bandang 5:30 ngayong hapon sa harap ng isang establisyimento na sakop ng Africano St. Brgy. District 2, Cauayan City, Isabela.

Batay sa salaysay ng ina ng biktima na itinago sa pangalang ‘Juana’, papauwi na sila sakay ng isang pampasaherong tricycle na minamaneho ng kanyang mister kasama ang nakatatandang kapatid at anak nitong biktima ng bigla nalang silang harangin ng isang itim na Toyota Vios na walang plaka at pilit hinihila ang anak nito para isakay sa sasakyan ng mga suspek.

Kwento pa niya, agad na pinaluhod ng mga suspek ang mister nito at tinutukan pa sila ng baril kung kaya’t hindi nagawang iligtas ang anak nya sa panganib.


Ayon pa sa ginang, galing sila sa himpilan ng pulisya upang i-release ang kanyang anak mula sa kasong kinasangkutan nito ilang taon na ang nakakalipas.

Isinalaysay pa ng ina ng biktima na noong November 11, martes ng magtungo sa kanilang bahay ang ilang barangay tanod para hanapin ang anak nito subalit ang naging tugon ng ina ay nasa bahay ito ng kanyang misis.

Nagdesisyon naman ang ginang na ipresenta ang kanyang anak sa mga otoridad para bigyang linaw kung ano man ang kasalanan na kinasangkutan ng anak.

Nabatid na nasangkot ang kanyang anak sa isang aksidente taong 2018 subalit ito aniya ay ‘dismissed’ na dahil wala namang naging reklamo laban sa anak.

Samantala,kinumpirma din nito na kabilang umano ang kanyang anak na idinadawit sa kaso ng pagpatay sa isang binatilyo na si Aize Dalupang na natagpuang puno ng saksak sa isang lugar malapit sa barangay hall ng Purok 8, San Fermin sa lungsod.

Panawagan naman ng ina ng biktima na tulungan silang mahanap ang kanyang anak at maiuwing ligtas mula sa kamay ng mga suspek.

Facebook Comments