Patay ang isang lalaki sa Calasiao, Pangasinan matapos tumalon sa ilalim ng isang umaandar na dump truck noong Enero 15, 2026.
Nagkahiwa-hiwalay ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng 19-anyos na lalaking residente ng Pantal West, Dagupan City sa kahabaan ng kalsada sa Brgy. San Miguel sa bayan ng Calasiao matapos masagasaan ng isang dump truck.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-tres ng hapon nang binabagtas ng dump truck ang kalsada at bigla na lamang tumalon ang biktima sa ilalim ng papalapit na sasakyan, dahilan upang magulungan at masawi agad ito.
Ayon sa imbestigasyon, napag-alamang may mental disability ang biktima batay sa Persons with Disability (PWD) ID nito.
Bago ang insidente, namataan umano itong naglalakad-lakad sa gilid ng kalsada at pinagmamasdan ang mga dumaraang sasakyan.
Matapos ang isinagawang eksaminasyon ng Rural Health Officer, ang labi ng biktima ay dinala na sa puneraryang pinili ng pamilya nito.
Dinala naman ang driver, isang 37-anyos na lalaki at residente ng Mangaldan, Pangasinan, at ang dump truck sa Calasiao Municipal Police Station para sa kaukulang imbestigasyon.
Matapos ang pag-uusap ng driver ng truck at pamilya ng biktima sa himpilan ng pulisya, napagkasunduang hindi na magsasampa ng kaso ang panig ng biktima at magbabayad na lamang ng kaukulang danyos ang driver.
Nagpaalala naman ang pulisya sa pangangalaga sa mga persons with disability at karagdagang pag-iingat ng mga motorista sa kalsada.










