Isang magandang halimbawa ng katapatan ang ipinamalas ng binatang si Ronald Fernandino Vidal mula sa Calasiao matapos niyang isauli ang isang cellphone na kanyang napulot sa Señor Divino Tesoro Street at boluntaryong dalhin sa Calasiao Police Station.
Ayon sa pulisya, ang kanyang agarang pag-turn over ng gadget ang naging daan upang ito ay madaling makilala at maibalik sa tunay na may-ari matapos ang wastong beripikasyon.
Dahil sa kanyang ginawa, umani ng papuri at positibong reaksyon mula sa mga netizens si Vidal, na itinuturing ang kanyang simpleng aksyon bilang patunay na may puwang pa rin ang katapatan at malasakit sa komunidad.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na ipagbigay-alam sa kinauukulan ang anumang napupulot na gamit upang masigurong mabilis itong maibalik sa may-ari at maiwasan ang anumang abala.








