NAGA CITY, CAMARINES SUR – Dinakip ang isang lalaki matapos umanong manuntok at mangagat ng pulis sa Sitio Sagrada Familia, Barangay Peñafrancia noong Miyerkules.
Ayon sa PNP Naga, sinita ng awtoridad ang binatang si Jan Lee Cuaño dahil wala itong suot na pang-itaas at facemask habang nakatayo sa labas ng tindahan.
Pero imbis na sumunod, sumagot daw si Cuaño na hindi niya kailangan mag-facemask sa sariling teritoryo.
Nakipambuno at kinagat ng lalaki ang kaliwang kamay ng pulis nang aktong huhulin na siya. Bukod dito, binato umano sila ng ilang residenteng nasa kalsada para raw makatakas ang suspek.
Nahaharap ngayon si Cuaño kasong paglabag sa Republic Act 11332, direct assault, at disobedience to a person in authority.
Inaalam din ng kinauukulan ang pagkakakilanlan ng mga namato sa kanila na maaring kasuhan ng Obstruction of Justice.