TEXAS, USA – Patay sa tama ng baril ang isang binatilyo na ipinagtangggol ang 15-anyos na lalaki mula sa pambu-bully ng isa pang lalaki.
Sa ulat ng NBC News Dallas Fort-Worth, nanghimasok si Brave Samuel Reynolds, 16 nang salakayin ng suspek ang 15-anyos nitong biktima noong nakaraang Linggo sa kanilang lugar sa Arlington.
Dalawang araw matapos ang nangyaring gulo, binalikan ng suspek si Reynolds saka pinaputukan ng baril sa tinutuluyan nitong apartment.
Ani Arlington Police Lt. Christopher Cook, “After he broke up the fight, he started having trouble with the suspect.”
Nakuhanan sa CCTV footage ang ginawang krimen ng kaparehong lalaki na sinasabing nasa edad 13 hanggang 15.
Sabi ni Cook, matutunghayan sa footage na naglabas ng baril ang hindi pinangalanang suspek saka itinutok at pinaputok kay Reynolds.
Isang bala ng .45 calibre semi-automatic na baril ang natagpuan sa lugar na nagpapatunay ng krimen.
Sa kabila ng mariing pagtanggi ng suspek sa naturang pagpatay, inaresto ito ng mga pulis kung saan nahaharap siya sa kasong murder.
Kaugnay nito, inilipat ang suspek sa juvenile detention center para linawin kung siya ba ay titingnan bilang bata o matanda sa nasabing kaso.
Bibigyang-antensyon din daw ng pulisya ang pag-alam kung paano nagkaroon ng baril ang suspek.
Samantala, nagtipon-tipon naman ang mga kapwa estudyante at mga guro ni Reynolds sa Arlington High School para magsindi ng kandila bilang pag-ala-ala sa kanya.