Isang 15-anyos na estudyante ang kasalukuyang pinaghahanap matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa Lucero Dam sa Barangay Tagac, Mangatarem, Pangasinan, bandang ala-1:30 ng hapon nitong Nobyembre 10, 2025.
Kinilala ang nawawalang binatilyo na si Andre Buella Perez, grade ten student at residente ng Barangay Cabaruan, Mangatarem.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Mangatarem Municipal Police Station (MPS), tumatawid umano si Andre kasama ang kaniyang kapatid at pinsan sa Lucero Dam nang biglang tumaas ang tubig na may malakas na agos at tangayin silang tatlo.
Agad na nakaresponde ang mga tauhan ng Mangatarem MPS at ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y insidente ng pagkalunod.
Sa tulong ng mga residente, nasagip ang kapatid at pinsan nito sa Barangay Suaco at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng kanilang mga pamilya. Samantala, si Andre ay nananatiling nawawala hanggang sa kasalukuyan.
Ang nawawalang binatilyo ay may taas na humigit-kumulang 5’5”, at huling nakitang suot ang itim na T-shirt at itim na jogging pants.
Patuloy ang search and retrieval operation ng mga awtoridad at mga rescue team sa lugar upang matagpuan ang nawawalang estudyante. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









