Nakatakdang buksan sa darating na linggo ang dalawa pang bio-molecular laboratories sa Subic at Clark na layong palakasin ang testing capacity ng bansa sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Philippine Red Cross (PRC) Chairman at CEO Senator Richard Gordon, nakapasa sa proficiency test ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang mga laboratoryo bilang COVID-19 testing centers.
Ang Subic laboratory na matatagpuan sa PRC Logistic and Training Center sa loob ng Subic Bay Freeport Zone at ang Clark laboratory na matatagpuan naman sa Clark Freeport Zone ay may kakayahang makapagsagawa ng 2,000 test kada araw.
Ibig sabihin, 16,000 COVID-19 test na kada araw ang magagawa ng lahat ng mga laboratoryong itinayo ng PRC.
Smantala, walong iba pang testing centers ang bubuksan ng PRC sa Batangas, Laguna, Mandaue City, Isabela, Cagayan De Oro, Zamboanga City, Bacolod City at Surigao.
Target din ng PRC na makapagdagdag ng sampu pang Polymerace Chain Reaction (PCR) machines sa Port Area molecular lab kung saan inaasahang aabot na sa kabuuang 46,000 tests per day ang magagawa ng ahensya.