Manila, Philippines – Inamin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa House Committee on Ways and Means na nakapagtala ng P82 Billion na shortfall o kulang na koleksyon ang pamahalaan.
Aabot sa P1.961 Trillion ang koleksyon ng BIR noong 2018 na mas mababa ng 4.01% kumpara sa target collection na P2.043 Trillion.
Pero depensa naman ni BIR Asst. Commissioner Alfredo Misajon sa komite, ang koleksyon ng BIR noong nakaraang taon ay mas mataas pa rin ng 10.1% kumpara sa kitang naitala noong 2017.
Tinukoy pa ni Misajon na ang pinakamalaking kulang sa koleksyon ay mula sa income tax, VAT at excise tax components dahil sa epekto ng TRAIN Law.
Umaasa naman ang BIR na ngayong 2019 ay magiging mataas na ang koleksyon ng ahensya dahil sa gumagandang business environment.
Target ng BIR na makakolekta ng P2.339 Trillion revenue collection ngayong taon.