Tiwala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na may pag-asa pang makabawi sa koleksyon sa buwis sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ay kapag nagbalikan na ang mga operators at mga dayuhang empleyado ng POGOs sa bansa.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Ways and Means ay humingi ng update si Committee Chairman Joey Salceda tungkol sa implementasyon ng Republic Act 11590 o mas kilala sa tawag na POGO tax law.
Ayon kay Atty. Jojo Dy ng BIR, mula noong maipatupad ang batas noong Oktubre ng nakalipas na taon ay nasa P1.2 bilyon ang nakolektang buwis.
Umabot naman sa P2.6 bilyon ang tax collection sa POGO bago pa man maisabatas ang POGO Tax Law.
Sa ulat ng BIR ay umabot na sa P538 milyon ang nakolektang buwis sa POGO sa buwan lamang ng Enero ngayong taon.
Bagama’t maganda na ang koleksyon ng buwis sa unang buwan ng 2022 ay umaasa ang BIR na magsisipag-balikan na rin sa Pilipinas ang iba pang operators ng POGO maging ang mga empleyadong foreign nationals.
Matatandaang maraming POGO ang umalis sa Pilipinas dahil naapektuhan ang sektor ng COVID-19 pandemic.