BIR, naalarma sa posibleng sex tourism sa bansa

Ikinababahala ni Bureau of Immigration (BIR) Commissioner Norman Tansingco ang posibilidad ng muling pagkabuhay ng sex tourism sa bansa.

Ito’y sa kabila ng sunod-sunod na pagkakahuli ng mga sex offenders na nagtatangkang pumasok sa Pilipinas.

Matatandaang kamakailan lamang ay nakahuli ang border control and enforcement unit ng isang foreign national na nagtangkang pumasok sa bansa habang may mga kinakaharap na sex crimes.


Kinilala ang naturang foreign national na si Terry Lynn Spies na agad pinabalik ng Amerika matapos makumpirma ang pagkakakilanlan nito.

Ayon kay Tansingco, isa lamang si Spies sa 140 na sex offenders na nagtangkang pumasok sa bansa at naharang ng Immigration.

Paliwanag pa ni Tansingco, ang muling pagbubukas ng turismo sa bansa ay posibleng abusuhin ng mga sex offenders kaya nagpupuntahan na ang mga ito rito.

Kaya naman nagbabala si Tansingco sa mga sex offender na nais pumasok sa bansa na huwag ng magtangka pa dahil mayroong close coordination ang Pilipinas sa iba’t ibang gobyerno sa mundo, kung saan ang mga ito ang nagbibigay ng impormasyon kung may nagpaplanong katulad nila na magtutungo sa Pilipinas.

Facebook Comments