Bird flu task force, muling pinagana

Muling pinagana ng pamahalaan ang bird flu task force matapos makumpirma ang kaso ng avian influenza sa isang poultry farm sa Pampanga.

Ang kumpirmasyon ng bird flu sa San Luis, Pampanga ay nangyari halos isang linggo matapos ideklara ng pamahalaan na napuksa ang sakit sa Barangay Ulanin-Pitak sa bayan ng Jae, Nueva Ecija.

Ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), ang National Avian Influenza Task Force ang siyang tututok sa outbreak gamit ang multi-agency coordination at collaboration.


Ang Secretary of Health ang overall crisis manager kasama ang Secretary of Agriculture bilang co-manager ng bird flu response.

Inatasan ng IATF ang Department of Agriculture (DA) na paigtingin ang koordinasyon sa Department of Health (DOH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of the Interior and Local Government (DILG) para mapanatili ang mahigpit na monitoring at surveillance ng avian influenza at posibleng epekto nito sa tao.

Paiigtingin din ang information campaign na ang karne ng manok at itlog ay ligtas kainin.

Facebook Comments