Cauayan City, Isabela- Nagsimula nang bumiyahe ang tatlong malalaking bus company sa Lalawigan ng Cagayan.
Ito’y matapos payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 02 ang pagbabalik-operasyon ng tatlong kompanya ng bus sa Lalawigan na kinabibilangan ng Florida, Victory at 5-Star.
Inihayag ni Regional Director Edward Cabase na point-to-point ang biyahe at mahigpit na ipinagbabawal ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero sa anumang parte ng Provincial Route.
Nagtalaga naman ang LTFRB R02 ng QR Code sa bawat operator kabilang na ang Apps mula sa LTFRB para ma-monitor ang pagbiyahe ng mga nasabing operators.
Mayroon naman umanong itinalagang mga stopover points at terminal kung saan huling titigil ang mga pampasaherong sasakyan.
Mananatili pa rin sa P1.75 ang bawat kilometrong singil kaya’t walang pagbabago sa halaga ng pamasahe.
Para naman sa mga pasahero na ‘fully vaccinated’, kailangan lamang magpakita ng COVID-19 Vaccination Card habang ang mga hindi pa kumpleto ang bakuna ay kinakailangan pa rin magpakita ng antigen test result na valid sa loob ng 72 hours.
Nasa 70% muna ang pinapayagang kapasidad sa mga sasakyan at maaaring madagdagan pa ito.
Nagpaalala naman ang Direktor sa mga drayber at operators na sila ay mapapatawan ng kaukulang parusa sakaling sila ay lalabag sa protocol at guidelines ng IATF.