Manila, Philippines – Sa layunin ng pamahalaan na mabigyan ng kaalaman ang mga bilanggo, inilunsad ng BJMP at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang national assessment sa mga bilibid sa bansa.
Particular na target ng programa ang mga kababaihang inmates na naghahanda sa muling pagharap nila sa komunidad matapos pagdusahan sa loob ng bilangguan ang kanilang mga kasalanan.
Ang hakbang ay unang inilunsad sa Puerto Princesa City Jail sa Palawan kung saan isinailalim sa national assessment wellness massage ang mga babaeng bilanggo.
Matapos na mabigyan ng teknikal na pagsasanay ang mga bilanggong kababaihan ay gagawaran ito ng TESDA ng national certificate.
Ayon sa tagapagsalita ng Puerto Princesa City Jail na si Marlito Anza, karamihan sa mga benepisyaryo ay may kasong paglabag sa Republic Act- 9165 o Comprehensive Drugs Act of 2002.
Layunin ng programa ng BJMP at TESDA na suportahan ang kampanya ng Pangulong Duterte laban sa iligal na droga at mailihis ang mga inmates sa dating gawaing pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.