*Cauayan City, Isabela*- Nakatakdang magkaroon ng pagpupulong ang pamunuan ng BJMP Cauayan sa BJMP Regional Office hinggil sa umanoy nakitang shabu sa pasilyo ng selda ng Cauayan matapos ikasa ang Oplan Greyhound noong nakaraang gabi.
Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan, layunin ng isasagawang pagpupulong ay upang pag-usapan at mabigyan ng pagkakataon na magpaliwanag ang pamunuan ng BJMP Cauayan kaugnay sa nakitang isang pakete ng hinihinalang shabu sa mismong hallway ng naturang bilangguan.
Matatandaan na nitong gabi ng ika-labingwalo ng Hulyo ay nagsagawa ng paghahalughog ang pinagsanib pwersa ng PNP Cauayan City, PNP Luna, Isabela Police Provincial Office o IPPO, Provincial Intelligence, PDEA Southern Isabela at PDEA-K9 Unit sa pangunguna ni IPPO Director Police Senior Superintendent Mariano Rodriguez sa lahat ng selda ng BJMP Cauayan.
Matapos ang mabusising paghahalughog ng mga otoridad ay walang nakitang droga ngunit ng hilingin muli ng mga otoridad na pasadahan ang hallway ay dito na nakita ang isang sachet ng hinihinalang shabu na nakabalot ng telang bahagi ng long sleeve.
Sa ngayon ay tikom muna ang bibig ni Jail Chief Inspector Atty. Romeo Villiante hinggil sa naturang pangyayari subalit handa umano itong humarap sa media pagkatapos ng kanilang pulong sa BJMP Regional Office.