Naging matagumpay ang pagsasagawa ng blood donation drive ng Philippine Red Cross (PRC) katuwang ang Radio Mindanao Network (RMN) at RMN Foundation para sa pagdurugtong ng buhay ng mga taong nangangailangan.
Umabot sa walong empleyado mula sa RMN DZXL 558 Manila ang nagbigay ng dugo at isa naman ang nagmula sa DWWW 774 at RMN Foundation na may kabuuang sampung indibidwal.
Una nang pinuri ni PRC Chairperson Senator Richard Gordon ang gawain dahil sa pagbibigay ng magandang kinabukasan sa lahat at maiangat ang mga tao mula sa kahirapan – ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng dugo.
Isang malaking karangalan naman para sa PRC na maraming tao ang tumutulong lalo na ang mga organisasyon tulad ng RMN.
Nagpapasalamat din si Senator Gordon kay RMN President and Chairperson Eric Canoy, na matagal na niyang kaibigan sa patuloy na pagkalinga sa mga nangangailangan.
Sa huli, sinabi ni Gordon na ipinagmamalaki niya na naka-partner ng PRC ang RMN bilang isang magiting at mahusay na himpilan na nagbibigay ng pag-asa sa bawat Pilipino.