Hindi na naihabol ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang committee report kaugnay sa imbestigasyon sa pagbili ng Department of Education (DepEd) ng overpriced at outdated na laptops para sa mga guro.
Paliwanag ni Senator Francis Tolentino, Chairman ng nasabing komite, kinapos ng isang lagda ng senador ang kanilang committee report kaya’t hindi rin niya natupad ang pangakong ilalabas ang rekomendasyon ng Senado patungkol sa mga overpriced na laptops na binili ng DepEd.
Maliban dito, naging abala rin ng husto ang mga senador sa mga committee hearings at sa Commission on Appointments (CA) kaya pag-aaralan pa ang binalangkas na 197 pahinang report.
Una nang sinabi ni Tolentino na may mga indikasyon ng sabwatan sa procurement ng laptops sa pagitan ng mga opisyal ng DepEd at Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Kumpiyansa rin ang senador na matibay ang anumang kasong kanilang irerekomendang ihain sa gitna na rin ng iba’t ibang dokumento at ebidensyang kanilang nakalap.