
Nagpasa na ng report sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang Bureau of Customs (BOC) bilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon sa mga anomalya sa mga flood control projects.
Isinumite ang mga dokumento sa meeting na hiniling mismo ni Commissioner Ariel Nepomuceno bilang bahagi ng aktibong hakbang ng ahensiya para isulong ang transparency at accountability sa lahat ng operasyon.
Kabilang sa mga isinumiteng dokumento ang mga ulat ng enforcement actions, kopya ng mga Search Warrants at Warrants of Seizure and Detention, listahan ng mga dokumento ng importasyon, at mga progress report na may kaugnayan sa kasalukuyang imbestigasyon.
Sinabi naman ni Nepomuceno na full support ang BOC sa layunin ng ICI na lumabas ang katotohanan sa lahat ng ginagawang imbestigasyon.
Ipinag-utos din sa lahat ng kaukulang tanggapan ng Customs na makipagtulungan sa ICI at sa iba pang ahensiyang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Tiniyak ng tanggapan na patuloy nilang isusulong ang transparency at accountability na layong palakasin ang integridad ng mga institusyon at masiguro ang pagsunod sa mga batas at tamang proseso.









