Dinagsa ng mga delivery, motorcycle at bicycle riders ang ikinasang booster shots drive-thru sa Kartilya ng Katipunan sa lungsod ng Maynila.
Ito’y matapos palawigin ng Manila Local Government Unit (LGU) ang booster shots para sa two-wheel riders kung saan nasa 1,000 iba’t-ibang uri ng bakuna ang inilaan dito.
Nagsimula ang pagbabakuna ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon kung saan nagtutulong-tulong ang mga tauhan ng Manila Health Department at Manila Traffic and Parking Bureau para maging maayos ang pila at maipatupad mag health protocols.
Sa datos na ibinahagi ng Manila Public Information Office, nasa 1,1782 na delivery rider ang nakatanggap na ng booster shots habang 2,338 naman na mga motorcycle at bicycle riders kung saan nagawa ito sa loob ng dalawang araw.
Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang lahat ng riders, food couriers at iba pa na gumagamit ng mga bisikleta at motorsiklo na sumalang na rin sa drive-thru vaccination site sa Kartilya ng Katipunan malapit sa City Hall ng Maynila upang mabigyan sila ng booster shot.