Una nang idinulog sa himpilan ng 98.5 iFM Cauayan ang hinaing ng mga maglalako sa naturang pamilihan na bukod sa nararanasang COVID-19 pandemic ay naging matumal rin ang kanilang bentahan.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Boyet Taguiam, president ng meat section ng private palengke, nabanggit nito na isa sa nakitang dahilan ng pagiging matumal ng bentahan ay dahil sa mga nakapalibot na “Talipapa” sa primark palengke.
Pero sa naging panayam naman ng iFM Cauayan kay Atty. Sherwin De Luna, pinuno ng BPLO Cauayan, inamin nito na matagal nang idinulog ng mga vendors sa loob ng private palengke ang naturang reklamo pero nilinaw ng opisyal na hindi “Talipapa” ang mga nakapalibot sa labas ng naturang pamilihan.
Ayon kay Atty. De Luna, totoo aniya na may mga nagtitinda sa labas ng private palengke subalit hindi aniya ito maituturing na Talipapa dahil limitado lamang ang tinitinda ng bawat maglalako sa labas.
Nilinaw din ng naturang opisyal, nasa pribadong lugar ang mga inirereklamo at sila’y sumusunod naman sa mga panuntunan at may mga lisensya.
Kaugnay nito, ipinaliwanag rin ni Atty. De Luna na base sa kanilang obserbasyon, kakaunti lamang ang pumapasok at bumibili sa loob ng private palengke dahil sa masikip na parkingan kung kaya’t pinipili na lamang ng mga ito na huwag nang mag parking at diretso bili na lamang sa labas ng palengke.
Nasa desisyon din aniya ng mga mamimili kung saan sila bibili at ganun na rin sa kagustuhang maghanap buhay ng mga Cauayeño.
Samantala, tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Cauayan na ligtas pa rin ang mga tinitinda ng mga maglalako sa labas ng pribadong pamilihan sa pamamagitan ng kanilang regular monitoring.