Cauayan City, Isabela- Itinanggi ng opisyal ng isang barangay sa Bayan ng Benito Soliven na alam nito ang nangyaring tupadahan sa kanyang nasasakupan sa Sitio Zaragosa, Brgy. Nacalma sa nasabing bayan.
Ayon kay kapitan Freddie Calli, nabigla rin ito ng malaman na sa kanyang barangay nadakip ang 15 katao na kasalukuyan ang tupadahan o pagsasabong ng mga manok.
Aniya, nasa bukirin siya ng mangyari ang pag-aresto sa mga suspek at may kalayuan din ito sa lugar ng insidente.
Giit niya, mahigpit ang pagpapaalala niya sa lahat ng residente ng barangay para sa pag-iwas na masangkot sa kahit anong aktibidad sa kabila ng umiiral na General Community Quarantine.
Sabi pa niya, ang sitio zaragosa ay tinatayang nasa 6 kilometro ang layo mula sa población area.
Nabatid na ang mga nahuling suspek ay dayo lang sa lugar at mula pa sa iba’t ibang barangay habang nilinaw din nito na walang kahit sinong SAP/4Ps Beneficiaries ang sangkot sa tupadahan.
Nagpapalipat-lipat din ng lugar umano ang mga nahuling suspek at nagkataon lang na sa nasbaing barangay nahuli ang mga ito.
Matatandaang inaresto kahapon ng Benito Soliven Police Station ang 15 katao sa iligal na pagsasabong ng manok.