Patuloy na naghahanap ng ispasyo ang Brgy. Tandang Sora sa Quezon City ng paglilibingan ng mga baboy na isasailalim sa culling.
Kung maaalala, kasama ang kanilang barangay na nakitaan ng sintomas ng African Swine Fever.
Ayon kay Brgy. Chairman Malou Ulanday, nahihirapan sila ngayon sa paghahanap ng lugar na paglilibingan ng baboy.
Bukod sa puno na ng mga bahay, adobe rin ang ilalim ng nasabing barangay.
Sinabi ni Dra. Ana Cabel ng Quezon City Veterinary Office, meron sa Payatas pero ito ay puno na dahil halos 3,000 baboy na ang kinatay sa lungsod.
Nilinaw rin ni Cabel na kung saang barangay papatayin ang baboy ay doon din dapat ito ilibing.
Posible kasing kumalat ang virus kung ilalabas pa ang karne sa ground zero.
Samantala, bineberipika pa ng DA kung may ASF ba sa Tandang Sora, Quezon City.