Brgy. Tanod sa Isabela, Timbog sa Pag-iingat ng Baril, Droga

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang barangay Tanod sa Cumabao, Tumauini, Isabela dahil sa pag-iingat nito ng hindi lisensyadong baril at iligal na droga.

Nakilala ang suspek na si Belmar Barcelo, residente ng nasabing lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Tumauini Police Station, humingi umano ng tulong ang panganay na anak ni Barcelo sa kanyang bestfriend na ireklamo ang kanyang tatay dahil sa tuwing nalalasing umano si Barcelo, ginagamit niya ang kanyang baril upang takutin ang kanyang pamilya.


Agad namang nagtungo ang kaibigan nito sa himpilan ng pulisya upang idulog ang ginagawa ng suspek sa kanyang pamilya na nagresulta sa paglabas ng search warrant laban sa kanya.

Habang isinasagawa ng mga otoridad ang paghahalughog sa bahay ng suspek, nakumpiska sa kanya ang isang (1) Caliber 45 pistol na walang serial number, isang (1) magazine para sa nasabing kalibre ng baril na may pitong (7) bala at karagdagang siyam (9) na bala.

Bukod sa nakuhang baril, nakuha rin sa suspek ang dalawang (2) piraso ng transparent zip lock na naglalaman ng hinihinalang Marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng Php 2,500, dahilan upang dakpin ang suspek.

Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Tumauini Police Station si Barcelo na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act,).

Facebook Comments