Hinuli ang isang barangay treasurer at dalawa pang kasabwat matapos ipusta sa sabungan ang P270,000 na pampasahod sana sa mga kawani ng Barangay San Isidro, sa Iriga City, probinsiya ng Camarines Sur.
Kinilala ang mga dinakip na sina Gabriel Vargas, treasurer ng naturang barangay, Jimmy Padayao, residente ng Barangay San Francisco, at Mike Magistrado, naninirahan sa Barangay Sto. Domingo sa kaparehong siyudad.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng Iriga City Police, dumulog sa himpilan ng pulisya ang tatlong suspek makaraang ma-holdap si Vargas sa labas ng isang simbahan sa Barangay San Francisco.
Ayon kay Vargas, matapos siyang magwithdraw sa bangko, bigla siyang hinarang ng mga magnanakaw at tinangay ang perang pampasahod.
Pero kalaunan, inamin nina Magistrado at Padayao na ipinambayad ng barangay treasurer ang umano’y nawawalang pera sa pustahan ng sabong.
Dumiretso umano si Vargas sa sabungan pero natalo ang pambatong manok na pula.
Nahaharap ngayon sa kasong qualified theft ang tatlong salarin na kasalukuyang nakakulong sa Iriga City Jail.