Umaapela ang Bureau of Corrections (BuCor) ng karagdagang pondo para sa susunod na taon.
Ang 2021 allocation sa BuCor ay 16% na mababa na nasa ₱3.5 billion mula sa kasalukuyang budget na ₱4 billion.
Ayon kay BuCor Chief Gerald Bantag, kailangang itaas ang kanilang pondo lalo na at maraming ginagastos ang kawanihan bawat araw.
Aniya, ang pondong ito ay inilalaan para sa pagkain ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL), pag-hire ng karagdagang tauhan, at pagtatayo ng mga pasilidad.
“Limited po ang ating magiging construction ng facilities, dahil po sa ating plano o project na regionalism or regionalizing nung ating mga penal farms,” sabi ni Bantag.
“Over congested na po kasi itong ating NBP (New Bilibid Prison), maximum, minimum, at medium facilities,” dagdag pa ng BuCor Chief.
Binanggit ni Bantag na marami ang namamatay na PDLs lalo na ang mga may sakit at mga matatanda dahil sa kondisyon ng kanilang mga pasilidad.
Binigyang diin din ni Bantag ang kawalan ng manpower dahil sa kakulangan ng pondo para sa ahensya.
Bahagi ng mandato ng BuCor ang effective safekeeping at rehabilitasyon ng national prisoners.