Budget ng DOH sa 2022, maaapektuhan dahil sa deficiency ng pondo sa COVID-19 response

Nagbabala si House Committee on Public Accounts Chairman Jose Singson sa Department of Health (DOH) na posibleng makaapekto sa kanilang 2022 budget ang isyu sa P67.32 billion deficiency sa COVID-19 response.

Ayon kay Singson, kung hindi mabibigyang linaw ng DOH ang napunang deficiency ng Commission on Audit (COA) ay posibleng mabinbin ang pag-apruba sa panukalang pondo ng kagawaran.

Giit ni Singson, marami pang dapat na ipaliwanag ang DOH lalo na si Health Secretary Francisco Duque III hinggil sa naturang 2020 audit report ng COA.


Sinabi ng kongresista na malapit na ang “budget season” at kung hindi makuntento ang mga kongresista sa paliwanag ng DOH sa naging kakulangan sa pondo sa pantugon sa pandemya ay hindi malabong mahaba-haba pang panahon bago aprubahan ang panukalang 2022 budget ng Health Department.

Posible rin aniyang tablahin ng Kamara sakaling humirit ng dagdag na pondo ang ahensya.

Ngayong umaga ay magsasagawa muli ng congressional briefing ang komite patungkol sa deficiency ng DOH at umaasa si Singson na sa pagkakataong ito ay masasagot na ng DOH ang mga katanungan ng mga mambabatas.

Facebook Comments