Budget para sa CHR, ipaglalaban ng mga Senador

Manila, Philippines – Ikinadismaya ng mga Senador ang 1,000 pesos na budget para sa taong 2018 na ibinigay ng kamara sa Commission on Human Rights o CHR.

Ayon kay Liberal Party o LP President Senator Francis Kiko Pangilinan, isang kalokohan ang nabanggit na hakbang Kamara.

Giit naman nina Senators Chiz Escudero, Win Gatchalian at Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang CHR ay may mandato na ginagarantiyahan ng ating saligang batas para protektahan ang ating karapatang pantao.


Pagtiyak ni escudero, ipagpapalaban nila sa senado na maibalik ang nararapat na pondo para sa CHR.

Pinalala pa ni Senator Sonny Angara, kundi dahil sa CHR ay hindi mabubuking ang sekretong detention cell kung saan itinatago ang ilang bilanggo na kinabibilangan pa ng mga babae at mga kabataan.

Ayon kay Senator Bam Aquino, napakahalaga ngayon ng tungkulin ng CHR sa gitna ng patuloy na tumataas na kaso ng pagpatay at pag-abuso ng mga otoridad.

Nagbanta naman si Senator Panfilo Ping Lacson na bubusisiin kung saan dinala ng mga kongresista ang mahigit 678-million pesos na nakalaang budget para sa CHR.

Hindi inaalis ni Lacson ang posibilidad na ginamit muling pork barrel ng mga kongresista ang salapi para sa CHR katulad ng umano’y ginawa nila noong nakaraang taon sa 8.3-billion pesos na nakapaloob sa 2017 national budget.

Facebook Comments