Manila, Philippines – Ibinunyag ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang 8.7-billion pesos right of way scam sa General Santos City na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Kabilang sa mga tinukoy ni Aguirre sina dating Public Works Sec. Rogelio Singson at dating Budget Sec. Florencio Abad.
Ayon kay Aguirre, may hawak ang NBI ng sinumpaang salaysay ng testigo na sangkot mismo sa criminal syndicate kung saang may partisipasyon ang ilang PNoy officials.
Aniya si Singson ang nag-apruba at nag-request ng release ng bayad para sa pekeng RROW o Road Right of Way.
Si Abad naman aniya ang nag apruba ng pagpapalabas ng pondo para sa illegal RROW kaya kapwa sila may pananagutang kriminal.
Sangkot din aniya sa scam sina Wilma Mamburan, Col. Chino Mamburan, Merceditas Dumlao at Nelson Ti.
Sinabi ni Aguirre na batay sa kanilang testigo, si Nelson Ti ang financier ng grupo at kaanak ni Philippine Envoy to China Domingo Lee na malapit naman at dating Pangulong Noynoy Aquino.
Kaugnay nito, inatasan na ni Aguirre ang NBI na ipagpatuloy ang kanilang case build-up para mapalakas ang kaso laban sa mga dating opisyal ng Aquino administration.
Ihaharap ni Sec. Aguirre sa media ang testigo sa susunod na linggo.
Umapela rin si Aguirre sa may mga nalalaman sa scam na lumantad at makipagtulungan sa imbestigasyon.