Dahil sa mabilis na pagkalat ng COVID-19 Omicron variant ay suportado ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin “Win” Gatchalian ang pagpapatupad ng health break para sa mga guro at estudyante lalo sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3.
Ayon kay Gatchalian, matinding hamon ang hatid ng pandemya sa ating education frontliners kaya makakatulong ang health break para magkaroon sila ng panahon na tugunan ang mga problemang pangkalusugan at pangangailangan ng pamilya.
Pero giit ni Gatchalian, bukod sa health break ay dapat ding magpatupad ng mga hakbang ang gobyerno para sa kaligtasan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral.
Kabilang sa mungkahi ni Gatchalian ang pagkakaroon ng regular na COVID-19 testing para sa mga guro at non-teaching staff.
Kung magpopositibo sa COVID-19 ay dapat aniyang makapagbigay agad ng tulong ang pamahalaan lalo na sa kanilang pagpapagamot.
Hiniling din ni Gatchalian na pag-ibayuhin ang pagbabakuna sa mga guro at kwalipikadong mag-aaral para maprotektahan sila laban sa COVID-19, malubhang sakit, hospitalization, at kamatayan.
Sang-ayon si Gatchalian na muling buksan ang ating mga paaralan para masimulan ang pagbangon ng sektor ng edukasyon pero kanyang iginiit na kaligtasan at kalusugan pa rin ng mga mag-aaral at mga guro ang dapat unang prayoridad.