Mahigpit nang mino-monitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang aktibidad ng Bulkang Taal na ngayon ay nasa Alert Level 3 matapos ang maikling phreatomagnetic eruption kahapon.
Sa interview ng RMN Manila kay PHIVOLCS Director Usec. Renato Solidum, sinabi nito na bagama’t wala silang nakikitang malakas na pagsabog sa Bulkang Taal, kailangang pa rin obserbahan ito ng mabuti lalo na kung may bagong magma na aakyat na may dalang maraming gas.
Sa ngayon ay dalawang senaryo ang tini-tignan ng PHIVOLCS sa Bulkang Taal kung saan pwedeng may maliit o mas malaking pagsabog.
Bukod sa unang pagsabog bandang 3:16 ng hapon, kahapon, sinundan pa ito ng apat na beses na pagyanig mula alas 6:26 ng gabi hanggang alas 8:20 ng gabi.
Naitala rin sa nakalipas na magdamag ang 29 volcanic earthquakes; 22 low frequency volcanic earthquakes; at dalawang volcanic tremor events na nagtagal ng hanggang tatlong minuto.