
Luma at napabayaan na ang bumagsak na Piggatan Bridge sa Alcala, Cagayan.
Ito ang nadiskubre ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon nang inspeksiyunin ang bumigay na tulay.
Ayon kay Dizon, 45 taon na ang tulay na itinayo noong 1980.
Nakita naman sa tulay na kinakalawang na ang mga bakal at marami na ang dugtungan kaya malaki ang posibilidad na bumigay talaga ito.
2016 pa aniya huling nagsagawa ng retrofitting sa tulay na pinaglaanan ng ₱11.7 million na budget.
Dalawa naman ang nakita ng kalihim na dahilan ng pagbagsak nito kung saan una ay ang pagkakasabay-sabay ng mga dumaan na may mabibigat na karga at ang kakulangan sa maintenance.
Tiniyak naman ni Dizon na agad aayusin ang nasirang tulay na isa sa importanteng daanan dahil sa mga ibinibiyaheng produkto patungo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kinausap na rin ni Dizon si acting Department of Transportation Secretary Giovanni Lopez para sa paggamit ng mga barge sa transportasyon ng mga produkto sa mga pantalan.









