Manila, Philippines – Tinawag na sinungaling ng DILG si dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo kaugnay ng isyu ng recruitment ng mga kabataan ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) para labanan ang gobyerno.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi totoo ang mga pagtanggi sa isyu ni Ocampo dahil matagal na panahon nang ginagawa ng makakaliwang grupo ang recruitment ng mga menor de edad para sumapi sa CPP-NPA-NDF.
Base sa datus ng Philippine National Police (PNP), limang kaso ang naisampa na ngayong taon laban sa komunistang grupo dahil sa paglabag sa Child Abuse Law at Child Trafficking.
Limang kahalintulad ding kaso ang naisampa sa korte noong 2017, habang tatlo ang naisampa noong 2016.
Sinabi ni Año na nilalason lamang ng CPP-NPA-NDF ang isipan ng mga kabataan upang mag-alsa at labanan ang gobyerno.
Nitong nakalipas na buwan ng Hulyo, limang menor de edad mula sa Manobo tribe sa Bukidnon ang sumuko sa Northern Luzon dahil sa hirap ng buhay bilang NPA fighters.
Isa din 15-anyos na NPA combatant ang napatay sa sagupaan ng militar at communist terrorist rebels sa Sitio Bayongon, Barangay Astorga sa Sta. Cruz, Davao del Sur noong Abril 21, 2018.
Dalawa pang batang lalaki at isang babae na pawang NPA regulars, ang napatay sa Compostela Valley noong Hulyo 12, 2017.
Binanggit pa ni Año ang pagsuko 11-anyos na NPA sa Philippine Army sa Barangay Camansa, Asuncion Davao del Norte noong 2015 at marami pang kaso ng pagsuko sa Zamboanga del Sur.
Pinatutuhanan din ito ng ulat ng United Nations noong Mayo 2018 tungkol sa recruitment at paggamit sa 30 kabataan ng armed groups, kung saan anim sa kanila ay may ugnayan sa NPA.