BUNTIS, TINANGGIHAN UMANO SA OSPITAL DAHIL POSITIBO SA COVID-19; RHU-BEMONC, SUMAKLOLO

Tinanggihan umano ng dalawang ospital sa lalawigan ng Apayao ang isang Ginang na manganganak na mula sa Barangay Kapanickian Sur, Allacapan, Cagayan matapos magpositibo sa kanyang COVID-19 Antigen swab test.

Dahil dito hindi naman nagdalawang-isip na tulungan ng mga miyembro ng Rescue 2280 at RHU-Basic Emergency Obstetric and Newborn Clinic (BEMONC) ng Allacapan ang ginang at dinala ito sa pinakamalapit na ospital sa bayan ngunit tinanggihan parin.

Nagpagpasyahan nalang ng grupo na magtungo sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) upang doon na lamang manganak ang kanilang pasyente.

Ngunit ng makarating sila sa San Lorenzo sa bayan ng Lallo, lumabas na ang panubigan ng ginang kaya naman nagdesisyon sila na bumalik nalang sa RHU Allacapan upang doon maisilang ang kanyang nasa sinapupunan dahil paniguradong hindi rin tatanggapin ang ginang sa iba pang madadaanang ospital dahil sa kanyang kondisyon.

Sa pagtutulungan ng grupo ay matagumpay na naisilang pasado 12:01 ng hatinggabi ang isang baby boy na may bigat na 2.8 kgs.

Dahil nga positibo sa Covid-19 ay inihiwalay ang mag-ina upang di makahawa ng ibang pasyente.

Kaugnay nito, pinuri naman ni Mayor Harry Florida ang Rescue 2285 at RHU-Allacapan dahil sa kanilang katapangan at kabayanihan.

Kabilang sa grupo na tumulong sa ginang sina Emelyn Bulusan, Ma. Josephine Tablac, Fredelyn Tesalona, Kimberlyn Ann Fernandez, Felinor Agbisit, at Floraida Bayod ng RHU at rescue driver na si Johnny Bumanglag.

Facebook Comments