Buong Bahay ng Isang Lola, Halos Limasin ng Magnanakaw!

Cauayan City, Isabela- Halos limasin ng isang magnanakaw ang bahay ng isang lola matapos madatnang nakatiwangwang kahapon sa Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Ang biktima ay kinilalang si Rose Lagundi, sitenta anyos, may-asawa at residente ng naturang Barangay habang ang suspek naman ay nakilala sa tulong ng CCTV Footage na si Gaspar Navarro, sisentay dos anyos, nangangalakal ng bote at plastic at residente ng Ilagan City, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Esem Galiza, ang Police Community Relations Officer ng PNP Cauayan, aniya iniwan ng biktima ang kanyang bahay nitong Mayo a trese at bumalik kahapon subalit laking gulat na lamang umano nito nang makita ang itsura ng kanyang bahay.


Ayon umano sa biktima, tinangay ng suspek ang kanyang dining Table, isang Cabinet, dalawang foam, isang pintuan, isang Flat Screen TV, isang Refrigerator, isang Water Dispenser, dalawang Window Grills, isang Laptop, isang Solane Gas at ang kanyang Burner.

Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa kapulisan at napag-alamang sinira ng suspek ang bintana ng bahay ng biktima kung saan ito ang kanyang nagsilbing lagusan.

Samantala, sa isinagawang operasyon ng PNP Cauayan ay natugis rin kahapon ang suspek na si Gaspar Navarro at nasa kustodiya na ito ng naturang himpilan para sa kanyang kaukulang kaso.

Facebook Comments