Cauayan City, Isabela- Apektado na ng sakit na African Swine Fever (ASF) ang buong bayan ng Mallig sa Lalawigan ng Isabela.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni PCapt Clarence Labasan, hepe ng Mallig Police Station sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Aniya, tuluyan nang napasok ng ASF ang lahat ng labing walong (18) barangay na sakop ng Mallig na ikinalugi ng maraming nag-aalaga ng baboy.
Kanyang sinabi na marami ng baboy ang isinailalim sa culling o ibinaon sa lupa na nakitaan ng sakit na ASF.
Kaugnay nito, mahigpit ang direktiba ng pamahalaang lokal sa buong mamamayan ng Mallig na ipinagbabawal ang pagkakatay ng baboy sa mga bahay-bahay dahil tanging sa slaughterhouse lamang ang pinapayagan.
Naka-ban na din ang lahat ng ipapasok at ilalabas na live hogs maging ang mga karne at pork products.
Hinihingi naman ni PCapt Labasan ang kooperasyon ng publiko na huwag magpuslit ng baboy at huwag bumili ng basta basta sa mga nagtitinda ng karne upang hindi na kumalat ang sakit ng baboy.