Buong suporta ng Lakas-CMD kay PBBM, hindi natitinag

Hindi natitinag at nananatiling buo ang suporta ng LAKAS–Christian Muslim Democrats o Lakas–CMD kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa lahat ng sektor ng gobyerno.

Nakasaad ito sa isang statement na inilabas ng partido na pirmado ng mga opisyal nito, sa gitna ng mga alegasyon laban sa Pangulo kaugnay ng budget insertions, flood-control controversy, at umano’y paggamit ng ilegal na droga.

Para sa Lakas-CMD, pawang pamumulitika, chismis, at kuwentong kutsero na hindi suportado ng ebidensya at katotohanan ang mga paratang laban kay President Marcos.

Katwiran ng partido, anumang alegasyon na ginawa sa labas ng pormal na proseso ay walang saysay o bigat dahil hindi dumaan o hindi bahagi ng sinumpaang salaysay, at hindi nasuri sa pamamagitan ng cross-examination at documentary scrutiny.

Bunsod nito, pinag-iingat ng Lakas–CMD ang publiko laban sa mga hakbang na gawing drama ang mga imbestigasyon laban sa korapsyon.

Malinaw para sa Lakas-CMD na mula simula ay batas lang ang sinusunod ni PBBM at hindi ang dikta ng sinuman, kaya walang “green light” mula sa kanya ang katiwalian.

Facebook Comments