Bus Company na Sinakyan ng COVID-19 Patient sa Region 02, Hiniling na Makipag-ugnayan sa DOH!

Cauayan City, Isabela- Umaapela ang tanggapan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Florida Bus Company na sinakyan ng kauna-unahang nagpositibo sa Coronavirus disease (COVID-19) sa Lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, pinuno ng CVMC, hiniling nito sa kumpanya ng Florida bus na makipagtulungan at boluntaryong makipag-ugnayan sa tanggapan ng DOH upang mas mapadali ang contact tracing sa drayber at bus na mismong sinakyan ng COVID-19 Patient sa region 2 na isang BFP personnel na nakatalaga sa Sta. Mesa, Manila.

Ang unang kaso ng COVID 19 sa rehiyon ay isang lalaki na edad 44 na binigyan ng bansag na patient PH275.


Una siyang napabilang sa mga Patient Under Investigation (PUI) at nag- positibo ito sa COVID-19 ayon sa pagsusuri ng DOH sa Research Institute on Tropical Medicine sa Maynila.

Marso 10, 2020 nang bumyahe mula Sampaloc ang naturang pasyente at nakauwi sa kanyang bahay sa Caritan Norte, Tuguegarao City noong Marso 11, 2020 subalit agad na dinala sa Divine Mercy Wellness Center at inilipat sa CVMC matapos makaranas ng hirap sa paghinga.

Ayon kay Dr. Baggao, mayroon nang lagnat at ubo ang naturang bumbero nang ito’y sumakay ng bus pauwi ng Tuguegarao City.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Dr. Baggao na makikipag-ugnayan pa rin sila sa bus company dahil sila lamang aniya ang tanging makakapagturo sa mga bus at drayber na bumabiyahe sa iba’t-ibang ruta upang matukoy kung sino-sino rin ang mga nakasamang pasahero ng naturang COVID-19 patient.

Maaari din aniyang tumawag sa kanilang hotline number 078-373-0010 at 078-255-5326 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kaugnay sa pagsasagawa ng contact tracing.

Facebook Comments