Nakilala ang suspek na si Alexander Ramos, 42 taong gulang, may-asawa, at residente ng Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng 98.8 iFM Cauayan kay PMaj Esem Galiza, Chief Investigator ng PNP Cauayan City, nadakip ang suspek sa pamamagitan ng Search Warrant na isinilbi ng mga otoridad na kung saan positibo umanong nasamsam sa loob ng nirerentahang pwesto ng suspek ang anim (6) na piraso ng heat sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, anim (6) na aluminum foil, dalawang (2) piraso ng lighter at isang piraso ng box ng blue ballpen.
Ayon kay PMaj Galiza, matagal nang binabantayan ng pulisya ang naturang suspek dahil sa paggamit nito ng ipinagbabawal na gamot.
Nabatid na kabilang ang suspek sa mga ‘Tokhang Responders’ sa Cauayan City noong Setyembre 2017 at sumailalim sa rehabilitation ngunit napag-alaman ng mga intel operatives ng pulisya na bumalik ito sa paggamit ng iligal na droga dahilan naman para ikasa ang search warrant.
Sa pakikipag-ugnayan naman ng iFM Cauayan sa suspek, mariin nitong itinanggi na hindi sa kanya yung mga nakuhang iligal na droga at hindi rin umano gumagamit sa ipinagbabawal na gamot.
Umamin naman ang suspek na dati siyang gumagamit ng iligal na droga subalit matagal na aniya iyon dahil noon pang taong 2013 bago siya sumailalim sa rehabilitation.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Cauayan ang suspek na ngayo’y nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.