Iginiit ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva na may isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang hindi sumunod sa standard procedures sa pagsasagawa ng buy bust operation bago nangyari ang misencounter noong February 24.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni Villanueva na kung nasunod lamang ang buy bust protocols ay hindi sana mauuwi sa shootout ang pangyayari.
Inalala ni Villanueva kung paano in-approach ni Police Corporal Elvin Garado ang isang sasakyang ginamit ng PDEA agents na nagsasagawa rin noon ng sariling buy bust.
Nagsilbi noon si Garado bilang poseur-buyer para sa QCPD pero namatay sa shootout.
Target ng QCPD ang isang drug dealer na nagngangalang “James Tan”.
Lumalabas na plano ng PDEA noon na hulihin ang informant ng QCPD na nagngangalang “Mama Jo” mula sa tip ng kanilang sariling asset na si Matalnas Untong, alyas “Bato”.
Sa CCTV footage bago ang misencounter, kinompronta ni Garado ang informant ng PDEA sa driver side ng kotse at binunot ang kanyang baril.
Dito na makikita na may isang babae na sumusunod kay Garado bitbit ang isang bag na naglalaman ng buy bust money.
Si Garado ang nagsimulang magpaputok sa mga PDEA Agents.
Dito na gumanti ng putok ang mga PDEA agents dahil hindi nila alam na pulis si Garado.
Binigyang diin ng PDEA na kailangang sundin ang patakaran sa buy bust operation dahil kung hindi ay mababasura lamang ang drug charges.
Pero para kay Senator Ronald Dela Rosa, bahagi ng ‘instinct’ ng mga pulis na makuha ang ilegal na droga bilang ebidensya, kahit ang buy bust operation ay hindi makumpleto.