Nag-abiso ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga airline companies na kanselahin muna ang lahat ng naka-schedule na domestic flights ngayong araw.
Ito’y kahit pa inilagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) o General Community Quarantine (GCQ) ang ilang lalawigan sa bansa.
Sa abiso ng CAAP na nilagdaan ni Executive Director Carmelo Arcilla, wala pang inaaprubahang ruta para sa domestic flights ang Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan pinatitigil din nila ang pagbebenta ng airline tickets para sa biyahe ngayong araw.
Nabatid na nakatakdang bumiyahe mamayang gabi ang Philippine Airlines (PAL) patungong San Francisco, USA at ang iba pang international flights nito sa Canada, Guam, Vietnam, Mainland China, Malaysia, Hong Kong at Singapore habang sa June 8, 2020 pa magre-resume ang kanilang domestic flights.
Ang AirAsia ay unti-unting ibabalik ang serbisyo sa Miyerkules habang ang Cebu Pacific at Cebgo ay magkakaroon ng limitadong domestic operations simula bukas, June 2, 2020.