National Headquarters ng PNP sa Camp Crame, muling nagsagawa ng flag raising ceremony matapos ang ilang buwang lockdown

51

Matapos ang pitongpu’t pitong araw na lockdown dahil sa ipinatupad na community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic ay muling nagsagawa ng flag raising ceremony sa Philippine National Police (PNP) National Headquarters sa Camp Crame kaninang umaga.

Pinangunahan ito ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa at mga miyembro ng PNP Command Group.


Pero sa pagkakataong ito walang mga pulis ang naka-formation sa harap ng PNP National Headquarters at tanging mga mataas na opisyal lamang ng PNP ang gumawa ng seremonya.

Pagkatapos ng flag raising ceremony, nagtalumpati si PNP Chief Gamboa at nagpapasalamat siya sa patuloy na sakripisyo ng kanyang mga tauhan para lamang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, ito ay sa kabila ng init, pagod, pag-aalala sa kanilang pamilya at minsa’y nakakatanggap ng kawalan ng respeto mula sa mga lumalabag sa quarantine protocols.

Ayon kay Gamboa, ang pagsasagawa nila ng flag raising ceremony kaninang umaga ay bahagi ng ‘new normal’ na ipinatutupad ng gobyerno para mapigilan pa rin ang pagkalat ng COVID-19.

Samantala, hanggang kahapon May 31, 2020, umabot na sa 315 ang pulis na nagpositibo sa COVID-19, at 163 ay gumaling na.

Pero may 696 pa ang probable cases ng COVID-19 at 677 ang suspected cases.




Facebook Comments