Pinagbibitiw ni Senator Sherwin Gatchalian sa pwesto ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kasunod ng panibagong aberya na nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Chinese New Year.
Kasabay nito ang pasaring ni Gatchalian sa mga CAAP official na kung may delicadeza ang mga ito ay marapat lamang na mag-resign na sa pwesto.
Binigyang diin ni Gatchalian na hindi katanggap-tanggap at nakakahiya ang panibagong airspace shutdown dahil dapat ay hindi na ito naulit.
Aniya, “incompetence” o kawalan ng kakayahan ang ipinakita na ito ng mga CAAP officials lalo’t sa pagitan lamang ng tatlong linggo o wala pang isang buwan ay dalawang beses na nangyari ang aberya na parehong uninterruptible power supply o UPS ang dahilan.
Panahon na rin aniya para tingnan ng Department of Transportation (DOTr) ang balasahan sa CAAP at ang liderato naman ng CAAP ay dapat na kusang magbitiw na sa posisyon at ipaubaya na ito sa iba.
Ipinunto pa ni Gatchalian na hindi uubra ang katwiran ng CAAP na kaya may shutdown ay dahil sa maintenance na ginagawa sa UPS at mayroon aniyang proseso na tumitiyak sa tuloy-tuloy na pagtakbo ng operasyon kahit nagme-maintain ng pasilidad.