Cauayan City, Isabela- Malaki ang pasasalamat ngayon ni Governor Manuel Mamba dahil sa pagbisita ngayong araw, November 15, 2020 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y matapos ianunsyo kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bibisita ang Pangulo sa Cagayan upang tingnan ang kalagayan ng probinsya at maghatid ng tulong para sa mga nasalanta ng matinding pagbaha.
Sa kasalukuyang Press Briefing sa Tuguegarao City, nagpapasalamat si Gov. Mamba dahil sa ipinakitang pagmamalasakit at sakripisyo ng Pangulo na panglimang beses nang bumisita sa probinsya.
Ayon kay Mamba, ito aniya ang pinakamalalang naranasang pagbaha sa Lalawigan sa nakalipas na 45 taon.
Sinabi din ng Gobernador na nasasala ng probinsya ng Cagayan ang tubig-ulan na galing sa mga probinsya ng Quirino, Nueva Vizcaya, Isabela, Kalinga at Apayao dahilan upang umapaw ang tubig sa Cagayan river na nagdudulot ng pagbaha.
Bago pa aniya umabot sa matinding pagbaha ang kanyang nasasakupan ay nakapagdala na ito ng mga food items at relief goods sa mga apektadong lugar subalit nang lumala na ang baha sa probinsya ay hirap nang pasukin ang ibang mga lugar.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang alkalde para sa karagdagang rescue teams.
Kahapon lamang ng sunod-sunod na dumating ang mga ipinadalang rescue teams mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na galing pa sa ibang mga probinsya at rehiyon upang tumulong sa pagsagip sa mga residente na-trap at naapektuhan ng malawakang pagbaha.
Samantala, tiniyak naman ng Presidente na mabibigyan agad ng pagkain at tulong ang mga pamilyang apektado ng matinding baha.