Cagayan, Isinailalim na sa State of Calamity dahil sa Malawakang Pagbaha

Cauayan City, Isabela-Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Cagayan dahil sa naranasang malawakang pagbaha bunsod ng malakas na buhos ng ulan dala ng nakalipas na Bagyong Ulysses.

Ito ay batay sa resolution no. 2020-10-768 na napagkasunduan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Ayon kay Governor Manuel Mamba, ito ay paraan upang gamitin ang quick response fund para sa mga pamilyang lubos na apektado ng pagbaha sa malaking bahagi ng probinsya.


Sa ngayon ay nasa 26 na bayan at isang siyudad ang apektado ng pagbaha at maituturing din ito na pinakamalawak sa kasaysayan ng lalawigan mula sa nakalipas na halos 40 taon.
Bukod dito, sinabi naman ni Mamba na may pagkukulang din ang pamunuan ng Magat Dam sa biglaang pagpapakawala ng tubig ngayong matindi naman ang epekto sa kanilang probinsya.

Ayon pa kay Mamba, nananatili pa rin na lubog ang lahat ng mga pangunahing kalsada kung kaya’t hirap para sa ilan ang pag-iikot upang makita ang sitwasyon ng mga residente.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng opisyal ang sapat na suplay ng pagkain habang may ilan na ring nagpaabot ng tulong sa kanila sa pamamagitan ng mga inilaang donation drive campaign ng lalawigan.

Facebook Comments