Naglunsad ang China ng kanilang Long March 7A rocket mula sa Wenchang Space Launch Center sa Hainan Island ng bansa nitong Martes, Setyembre-13 ng gabi.
Matatandaan na nagbigay ng abiso ang Philippine Space Agency (PhilSA), na maaring bumagsak ang debris ng naturang rocket, 52 kilometers mula sa bayan ng Sta. Ana at 71 kilometers mula sa Burgos, Ilocos Norte.
Sa ibinahaging impormasyon ng Cagayan Provincial Public Information Office, una nang nagkaroon ng pagpupulong ang PDRRMO kasama ang MDRRMO Sta. Ana, Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa naturang bayan upang pagplanuhan ang ilang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga residente kaugnay ng inaasahang pagbagsak ng debris ng rocket.
Ayon kay Rueli Rapsing, Officer-in-charge ng PDRRMO, bagamat hindi pa malinaw kung kailan o saan at kung gaano kalaki ang sinasabing debris ay nagbigay na umano sila ng abiso sa mga residente lalo na ang mga nasa coastal areas.
Sa ngayon, hindi pa nagtataas ng “no sail” policy ang PDRRMO dahil wala pang malinaw na impormasyon kaugnay sa naturang debris.